DEAR CHARO

30 07 2012

MAALAALA MO KAYA
Episode No. 1048 (First Draft)
Airing Date: 11 August 2012

(Before you read the post, click video for background music.)

CHARO SANTOS:
May mga pagkakataong sinusubok tayo ng ating emosyon. Hindi natin mapigilan ang silakbo ng ating damdamin. Sa paniwalang tayo lagi ang tama, hindi natin napapansing nakakasakit na pala tayo ng ibang tao. At sa huli, ang pagpapaliwanag, ang pagtatanggol sa ating ginawa, at sa ating naging asal.

Ngayong gabi, ibabahagi namin ang kwento ni Noynoy, isang naghihimutok na lider mula sa Lungsod ng Maynila.

Ito ang istorya ng isang piging na nauwi sa harapang batikusan at ang mga sumunod na palitan ng pananaw na hindi nasaksihan ng publiko.

Bahay Pangarap, Palasyo ng Malakanyang. Gabi.
Makikitang nag-uusap sa hardin ang Pangulo at ang mga tauhan nito. Naninigarilyo ang Pangulo.

NOYNOY:
Ipinatawag ko kayong tatlo dahil may natanggap akong imbitasyon para sa 25th anniversary ng TV Patrol. Igawa n’yo nga ako ng speech.
COMM GROUP:
Anong gusto n’yong sabihin sa talumpati boss?
NOYNOY:
Bahala na kayo. Basta, gusto kong iparating sa kanila na sawang-sawa na ako sa negatibong mga balita. Sana ihighlight naman nila ang accomplishments natin.
COMM GROUP:
Eh boss, titirahin ba natin ‘yong biased na anchor nila?
NOYNOY:
Si Korina? Hindi! Wala namang sinasabi ‘yon.
COMM GROUP:
No, not Ate Koring! ‘Yong lalaki.
NOYNOY:
Si Ted?
COMM GROUP:
Pangisi-ngisi lang naman sa banter nila si Ted eh. Si Kabayan boss!
NOYNOY:
Ah, ang dating bise-presidente na wala nang nakitang maganda sa ating mga ginawa. Go!
COMM GROUP:
Isasama ba namin ang isyu kay Delfin Lee at sa Pag-IBIG scam para wala nang kawala.
NOYNOY:
Huwaaaag! Eh kung balikan tayo? “Bakit ‘di n’yo pa nahuhuli?” Patay tayo d’yan.
COMM GROUP:
Areglado boss!

DEAR CHARO,
Matagal ko nang ipinamu-monitor ang TV Patrol sa aking Communications Group. Gabi-gabi ay naka-record ang bawat edisyon ng palabas. Dito ko napansin ang walang basehan at may kinikilingang mga hirit ni Noli De Castro. Noong Biyernes sa anibersaryo ng programa, nagkaroon ako ng pagkakataon upang ilabas ang aking nararamdaman.

NOYNOY (TV Patrol 25th Anniversary Speech):
“Napapaisip nga po ako: ‘yong nagkumento nito, anim na taon ang ipinagkaloob sa kanya para tumulong sa pagsasaayos ng mismong inireklamo niya. Pero ngayon, tayo na nga ang may bitbit na problema, tayo na nga ang tutugon dito, pero masakit nga ho, may gana pang hiritan ng nagpamana?

Sana po, sa tuwing sasabihin nating ‘Magandang gabi, bayan,’ ay totoong hinahangad nating maging maganda ang gabi ng bayan.”


Matapos ang aking talumpati Charo, kinamayan ako ng big bosses ng network. At bago ako tuluyang umuwi ay nagpa-picture pa ang mga bisitang naroon kabilang na ang mga past and present journalists ng ABS-CBN. Lahat ay nakangiti.

Ngunit paggising ko kinabukasan (mga alas-nuwebe y medya na yata ‘yon. Hindi ko na nga naabutan ang opening ng London Olympics eh. Sobrang aga kasi, bwisit!), sunud-sunod na text messages at tawag ang aking natanggap. May ilan palang Kapamilya at ex-Kapamilya ang tila na-offend sa aking prangka, totoo, at may basehang talumpati.

Hindi pa man pala ako nakakaalis sa okasyon, nagwala na sa Twitter ang anak ni Kabayan na si Kat De Castro. Nauunawaan ko ang kanyang damdamin bilang anak ngunit unawain din sana niya ang kirot na dulot ng mga batikos ng kanyang tatay. Maging fair sana siya.

@KatDeCastro
Fair saan? Sorry rin ha. But to HIT my Dad when he arrived halfway sa speech? Ungentleman lang talaga.

Maging ang John Regala- slash John Lloyd Cruz- slash Raymond Gutierrez-lookalike ng ABS-CBN News and Current Affairs na si Jeff Canoy ay nagpasaring pa.

@jeffcanoy:
There are only 153 presidents in the world. Last night, one of them annoyed the hell out of me. Guess who.

Charo, hindi ba dapat ay suportahan na lang ako ni Jeff dahil kapwa kami Atenista? Dahil sa katapusan ng UAAP 75 season, pareho naman kami ng isisigaw ‘di ba? Drive for Five! One Big Fight! Hindi ko rin matatanggap ang sumunod niyang paliwanag matapos na may mag-react sa una niyang patutsada.

@jeffcanoy:
Hey guys, I’m talking about Venezuelan President Hugo Chavez. #wait #what #labo

Labo? Anong malabo do’n, Charo? Bolahin n’yang presidente n’yang panot! Isa pa ‘yang si Chiara Zambrano. Cute pa naman siya. (O, baka bigyang-kulay na naman ninyo huh! I’m done with lady journalists!)

@chiarazambrano:
At dahil sa nangyari kagabi, may extrang galit akong babaunin mamaya sa Ateneo-LaSalle game. Humanda kayo.

Charo, lagi naman akong handa ah. Kaya nga may Project Noah. Pero bakit naman ganoon? Hindi ba nauunawaan ng mga batang ito na kung ‘di dahil sa aking ina ay hindi maibabalik sa pamilya Lopez ang ABS-CBN? Nasaan ang pagtanaw ng utang na loob? Maging sa radyo ay tinitira ako! ‘Yang Dennis Datu na ‘yan na may anggulong Steve Dailisan, nagparinig pa sa akin kinabukasan.

@dennis_datu:
May pinatay dito sa QC ng riding in tandem, alam ko magagalit na naman si Pnoy dahil bad news ito pero kailangan ibalita eh.pasensya na po!

Masakit Charo. Lalo pa’t sama-sama kaming lumaban nina Ka Geny Lopez noong Martial Law. Kung noong Biyernes ay napuruhan si Kabayan, he had it coming. Siya lang ba ang may karapatang magbato ng kritisismo?

@lyndajumilla:
It’s not the criticism, it’s the lack of manners

Charo, sabihan mo naman ‘yang si Lynda! Araw-araw na lang may pitik sa Twitter eh. Hindi kesyo recipient siya ng prestigious Marshall McLuhan fellowship for 2012 ay uurungan ko na siya.

@lyndajumilla:
Ay, pati sa twitter may “pala.” Taga-palakpak sa ‘di kagandahang asal. Weh

‘Weh mo ang mukha mo Lynda. Charo, presidente ako eh. I deserve respect! Ang masakit pa, maging ang dati n’yong mga empleyado, nakikisakay sa isyu.

@GilbertCRemulla:
Tinitira pa niya si Noli De Castro. Not sure if he should stoop down to that level.

Hindi ba nasabihan ang Gilbert Remulla na ‘yan na kaalyado na ng kanyang Nacionalista Party ang Partido Liberal? Baka pagsisihan n’ya ang mga batikos niya sa akin.

@TeddyLocsin:
Noli de Castro had nothing to do with the old administration, Okay you guys in the Palace, you hit the wrong guy.

Charo, ikaw na ang magsabi. Wrong guy ba si Noli? Anim na taon siyang nanahimik. May ginawa ba siya laban sa maanomalyang deal na NBN-ZTE, sa Hello Garci, sa agriculture fund scam, sa PCSO scam, sa Wowowee scam? Wala. Kaya hindi ko maunawaan kung bakit abut-abot ang pangungutya sa aking naging talumpati. Mabuti pa si Ryan Chua, malawak ang pag-iisip kahit maliit ang mga mata.

@ryan_chua:
Umaapaw ang mga gustong sabihin, pero di bale na lang. ‘Ika nga ni @MangPandoy, “journalistic restraint”

“It’s more fun in the Philippines.” ‘Yan ang ipinangangalandakan natin. Pero Charo, anong fun meron sa pagbabandera ng balita tungkol sa patayan, sa nakawan, sa holdapan, sa oil price hike, sa power rate hike, o sa usad-pagong na traffic sa Edsa? Wala. Kaya please lang Charo, panahon na upang baguhin ang nilalaman ng inyong mga balita. Hindi bukas, hindi sa makalawa. Now na!

Gumagalang (ng lagay na ‘yon),
Noynoy

P.S.
Manonood ako mamaya ng TV Patrol. Alam mo na.

Kung nais mong matanto
buksan ang aking puso
At tanging larawan mo
ang doo’y nakatago.

NOYNOY: (TV Patrol 25th Anniversary Speech)
“Ako po’y pagpasensyahan ninyo kung masyadong prangka nagsalita ngayong gabi. Maganda na ho siguro ‘yung totoo ang sabihin para magkaunawaan tayo nang maliwanag. Muli po, binabati ko ang TV Patrol sa inyong ika-25 kaarawan.”

‘Di ka kaya magbago
sa iyong pagmamahal
Tunay kaya giliw ko
hanggang sa libingan?

CHARO:
Legitimate concern, wrong venue. ‘Yan ang tila consensus sa isyu ng talumpati ni Noynoy sa anibersaryo ng TV Patrol na naging paksa ng kanyang liham.

Nais ko lang ibahagi ang sinulat ng journalist na si Ellen Tordesillas, “Reporters do not classify news as ‘good’ or ‘bad.’ Their responsibility is to make sure that their reports are accurate.”

Gayunman, kikilos ang network upang siyasatin ang reklamo ng Presidente kay Kabayan.

Sa mga Kapamilya at ex-Kapamilyang naglabas ng saloobin sa Twitter, bahagi ‘yon ng kalayaan nilang makapagpahayag.

Kay Noynoy, huwag mo sanang iequate ang batikos sa kawalan ng utang na loob. Ang ABS-CBN ay habambuhay na magsisilbing simbolo ng legacy ni Tita Cory – ang democracy. Hinding-hindi kami makakalimot. Lalo na sa panahon ng kampanya.

Hangad namin na kahit papa’no ay naibsan ang hinanakit at tampong iyong nararamdaman.

Ako po si Charo Santos, maraming salamat Kapamilya, at magandang gabi sa inyong lahat.

.
.
.
MICROPHONE
.
.
.

Announcement: Ang nagwagi sa ating Guess the Episode Title contest ay si: Abigail Carandang Lacierda ng No. 1000 JP Laurel Street, San Miguel, Manila. You won a pair of tickets to ASAP plus a dinner date with Daniel Padilla or any Star Magic talent of your choice. Congratulations!
——————————
“Nothing travels faster than light, with the possible exception of bad news, which follows its own rules.”
~Douglas Adams

HEARD ABOUT what happened at the TV Patrol Anniversary party last Friday where President Aquino was the guest speaker? No? I’m sorry, I’m not going to share it with you. It’s bad news.

Stay safe everyone!

I am on Twitter: @HecklerForever.

[Note: Tweets used here are REAL. Hindi gawa-gawa lamang.]








Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 101,405 other followers

%d bloggers like this: